source:www.pinoyweekly.org

(February 02, 2009) BREAKING NEWS! Inaresto kaninang madaling araw si Leonardo B. Arceta, lider-manggagawa ng Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture-Kilusang Mayo Uno (OLALIA-KMU) na nakabase sa Laguna.

Ayon sa ulat ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK), inaresto ng mga pulis si Arceta bandang alas-dos ng madaling araw sa Westdrive Subdivision, Barangay Labas, Santa Rosa City, Laguna. Sinama din ng mga pulis si Jessa Brillon at ang kanyang 5 gulang na anak. Dinala sila sa Sta. Rosa City Police Station.


Pagkatapos umanong palayain ang tatlo ay dinala naman si Arceta sa Camp Vicente Lim sa Calamba.

Sa kasalukuyan ay hindi pa malinaw kung bakit inaresto si Arceta.

Ayon kay Hermie Marasigan, executive director ng Olalia-KMU, “lehitimong kasapi” si Arceta ng nasabing grupo. Inuugnay ng grupo ang pangyayari sa maigting na kampanya ng mga manggagawa laban sa malawakang tanggalan na nagaganap sa Timog Katagalugan.

Sa mga ulat, lumalabas na ang rehiyong ito ang may pinakamalaking datos ng tanggalan ng trabaho. Sa taya ng PAMANTIK, maaaring umabot ng 40,000 ang bilang ng mga manggagawang matatangal sa trabaho sa loob ng 6 na buwan.

Kabilang sa mga nagtanggal ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan ay ang EMI-Yasaki sa Imus, Cavite, Integrated Microelectronics Incorporated at Amkor Technology Incorporated sa Laguna Technopark sa BiƱan, Laguna.

Sa kasalukuyan ay hindi pinapayagan ng mga pulis na makausap si Arceta ng kanyang mga kasamahan sa organisasyon.

Kaugnay ng pangyayari, magsasagawa ng kilos-protesta ang OLALIA-KMU at iba pang organisasyon ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan upang kundenahin ang pag-aresto kay Arceta at sa malawakang tanggalan sa rehiyon.

0 comments:

Post a Comment

 

blogger templates | Make Money Online